Tuesday, May 14, 2013

Ang Kultura ng Komiks



I.              Panimula

Ang paglilibang o pagpapalipas oras ay isa sa mga gawaing hindi mawawaglit sa mga tao. Nariyan na siya’y namamasyal, kumakain, nanunuod at nagbabasa. Maging ang simpleng pakikipag-usap ay nagiging isang libangan. Ang pagsasabong ay isa sa mga namanang libangan natin mula sa mga kolonistang kastila. Bago pa man magsimula ang kolonisasyon ay may libangan nang maituturing at masasabing atin. Ang pagpapalitan ng mga bugtong, salawikain, pakikinig ng mga alamat, kwento, epiko at mito ay ang mga gawain o libangang atin na kinagigiliwan ng ating mga ninuno. Maging ang pag-awit habang sinasaliw sa mga gawain ay isang libangang maituturing upang maging masigla at masaya ang kanilang paggawa. Nang magsimulang umusbong ang kolonisasyon sumabay din sa pag-usbong ang iba’t ibang sibilisasyong dala ng mga kolonistang bansa. Ang sibilisasyong dala ng mga Amerikano sa Pilipinas ay isang paningin sa buhay sa lubahang materyalistiko, rasyunal, siyentipiko, at obhetibo na ayon kay Soledad Reyes ay nakatuon sa progresong mabibigyan ng kantidad, may oryentasyong pragmatiko at indibidwalistiko. Ang mga kaisipang tradisyunal ng mga Pilipino ay unti-unting napagwawagian ng inilalakong modernisasyon na nagpapain ng higit na kaunlaran sa anumang aspekto.
Mula sa pagbubugtungan, salawikain, awitan, pagbabasa at pakikinig ng mga kwento, alamat, epiko at mito ay umusbong ang iba’t ibang gawain at materyales na dala ng modernisasyon. Sa kasalukuyan, sa aspekto ng mga babasahin maraming naglipanang mga babasahin sa paligid tulad ng mga pocket books, mga nobelang Ingles, magasin, manga at ang komiks. Sa paglitaw ng mga ito ay nagkaroon ng bagong interes ang mga tao dahil nakuha ng mga ito ang panlasa ng mga ito. Ang mga ito ang siyang pumalit sa tradisyunal na kaisipan at gawain ng mga Pilipino, ito ang bunsod ng modernisasyon.
Sa mga babasahing ito ang komiks ang bibigyang pokus sa papel na ito. Sa pamamagitan nito malalaman ang kulturang kinapapalooban ng komiks sa Pilipinas. Malalaman din sa papel na ito ang kasaysayan ng komiks sa Pilipinas, kung kalian ito nagsimula at namayagpag at maging ang pagbagsak nito, kung anu-ano ang mga komiks na nalimbag at kung sinu-sino ang mga kinilalang tao sa likos ng komiks at gayundin ay matutukoy ang manipestasyon ng komiks sa kultura ng mga Pilipino.
Layunin ng papel na ito na:
1.    Matukoy ang pinagmulan ng komiks
2.    Malaman kung kalian ito nagsimula
3.    Maisa-isa ang mga komiks na nalimbag
4.    Maisa-isa ang mga kinilalang tao sa likod ng komiks
5.    Malaman ang manipestasyon ng komiks sa kulturang Pilipino.









II.            Argumento
Ano ang Komiks?
Ø  Ang komiks ay ang katawagang likha sa Pilipinas na panumbas para sa “Comics” (Ingles). Nagmula ito sa simpleng salitang Ingles na comics na iniangkop ng mga Pilipino upang matugunan ang ortograpiya ng katutubong wika sa ating bansa tulad ng tagalong.
Ø  Noong ika-20 siglo, ang mga Funnies o ang mga Comic Books at Comic Strips ng Amerika ay bahagyang nakaapekto sa ating tagalong komiks.
Ø  Illustrated Theatre of the world (International World Theatre Congress, May 2006).
Ø  Dalawang kathang pinag-isa. (Joe Lad Santos).
Ø  Mabisang anyo ng Literatura. Mas madaling maunawaan at tangkilikin ng masa dahil naroon na mismo ang nais ipakahulugan o ipakita ng manunulat. (Joe Lad Santos).

Pag-usbong at Pamamayagpag ng Komiks
Taong 1896-1898
            Sa kasagasagan ng digmaang Kastila laban Pilipino-Amerikano ay may ilang magasin ang lumaganap sa Maynila na may mga cartoon. Ang ilan sa mga ito ay ang Miao at The Con Leche na masasabing naimpluwensyahan din ng mga magasin ng Amerika na Puck at Judge. Masasabing dinala ito sa atin ng mga Amerikanong sundalo.
            Lingid sa kaalaman ng mga Amerikanong mananakop, ginamit ng mga Pilipinong nasyonalista ang pamamahayag sa paraang nakalilibang at nakatutuwa upang maipahayag sa kakaibang paraan ang pagmamalupit at kawalang hustisya ng mga Amerikano. Maraming mga magasin at dyaryo ang nailathala at ginamit doon ang wikang Tagalog at Kastila upang ang mga Amerikano ay di makaunawa.

Taong 1907
            Ang Lipang Kalabaw na magasin ni Lope K. Santos ay nailathala. Ginamit dito ang wikang Tagalog. Naglalaman ito ng mga nakatatawang cartoon na hawig sa mga Amerikano ngunit kaunti at maliit na bahagi o parte lamang dahil mas nangibabaw ang mga pangulong –yudling. 1909, nang din a tinangkilik ang Lipang Kalabaw.

Taong 1920
            Lumitaw ang kauna-unahang komiks ngunit bilang mga pamuno lamang sa magasin na nasulat sa Tagalog.
            MAGASIN                                                      MGA COMIC STRIP
Telembang                                                    Kiko at Angge
Lipang Kalabaw                                           Ganito Pala sa Maynila



Taong 1923
            Ang Tagalog-magasin na LIwayway ay nailathala ngunit di naglalaman ng comic serials.

Taong 1928
            NAgbago ang Liwayway at nalikha ang comic strip na mga Kabalbalan ni Kenkoy na nilkha nina Tony Velasquez (Strip) at Romualdo Ramos (Script).

Taong 1929
            Ikatlong bahagi lamang ng pahina ng Liwayway ang nasakop ng Kenkoy Strip.

Enero 11, 1929
            Nailathala ng Liwayway ang Album ng mga Kabalbalan ni Kenkoy ngunit bilang pamuno lamang sa Entertainment Section o panlibangang bahagi ng magasin. Si Kenkoy Harabas (ang pangunahing tauhan) ang binigyang pansin ditto na nagpapakita sa nakatatawang pamumuhay ng batang Pilipinong makakanluranin.

Taong 1932
            Nang namatay si Romualdo Ramos ay nagpatuloy si Velasquez at ang Kenkoy Strip ay lumaki at naging kalahating bahagi ng pahina.

Taong 1935
            Nasakop na ng Kenkoy Strip ang buong pahina ng Liwayway.

Taong 1946
            Inilathala ang unang komiks-magasin na Halakhak Komiks ngunit di ito nagtagal. Umabot lamang ito sa sampung serye dahil sa kawalan ng epektibong paglalathala at pag-iindurso at isa pa ay namatay ang awtor nito.

Taong 1947
                        Matapos ang pagreretiro sa Liwayway, itinatag ni Tony Velasquez (Ama ng Industriya ng Komiks) ang Ace Publications. Ditto nailathala ang sumusunod na mga komiks:
Ø  1947- nailathala ang Pilipino Komiks
Ø  1949- nailathala ang Tagalog Komiks
Ø  1950- nailathala ang Hiwaga Komiks
Ø  1952- Nailathala ang Espsyal Komiks
Ø  1959- nailathala ang Kenkoy Komiks
Ø  1960- nailathala ang Educational Classic Komiks

Taong 1962
            Nagsara ang Ace Publications ngunit itinatag ni Velasquez ang Graphic Arts Service Inc. (GASI) na naglathala ng mga kilalang komik book tulad ng Pinoy Komiks, Pinoy Klasiks, Aliwan Komiks, Holiday Komiks, Teen Weekly Komiks at Pioneer Komiks.
            Noong kalagitnaan ng dekada ’50 nagsimula ang pinakamalaking industriya ng komiks sa Pilipinas at noon kinilala ang komiks bilang “Pambansang Babasahin” ng mga Pilipino. Ang mga komiks natin ay sadyang naimpluwensyahan ng mga comic strip at comic book ng mga Amerikano ngunit noong dekada ’50 ay nakaimpluwensya rin ang panitikang Pilipino tulad ng mga komedya, alamt, poklor at maging an gating mga mitolohiya.
            Ang ating mga Tagalog-Komiks noon ay karaniang tumatalakay sa mga Aswang, Kapre, Nuno sa punso, Tikbalang at iba pang mga supernatural na nagmula sa ating mga poklor.

Taong 1970 “Ginintuang Panahon ng Komiks”
            Sa panahong ito umabot sa 500 pamagat ng mga komiks ang nailathala. Dumami din ang mga kilalang taong manlilikha sa larangan ng komiks. Kinilalalat ginamit ang komiks sa pag-iindurso ng mga produkto. Maging sa pulitika ay nagamit din ng mga kandidatong tumatakbo sa eleksyon ang mga komiks bilang panghikayat sa masa at ang pangyayaring ito ay hindi nabigyang pansin sa ating kasaysayan.

Taong 1986 “Komiks bilang Pambansang Babasahin”
            Ayon sa isang sarbey na isinagawa, lumabas na tinangkilik ng mga Pilipino noon ang Komiks dahil sa umano’y madali itong maunawaan at ayon pa sa pahayag ng mga taong kinapanayam ay:
Ø  “hindi nakasasakit ng ulo basahin”
Ø  “Madadala mo kahit saan”
Ø  “Nakapagpapaantok”
Ø  “magaganda ang kwento”
Ø  “Magaganda at nakakaaliw ang mga drawing”
Ø  “murang bilhin”
      Naingganyo ang mga mambabasa ng komiks sa kadahilanang ang mga usapan ay sumasalamin lamang sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. May mga salitang balbal tulad ng “datung” o pera, “bebot” o babae, “datan” o matandang babae o lalaki, “repa” o kaibigan at iba pa.
      Ang mga bulgar na salita ay piling-pili naisulat sa mga usapan lalung-lao na ang mga mura sa sadyang tinutulang gamitin ngunit may ilang mga malalaswang komiks o ang mga fly-by-night publication tulad ng Bomba Komiks. Tiangkilik din ang komiks ng masang Pilipinong di kayang makapanood sa mga tanghalan, pelikula at vaudeville.

Ang Pagbagsak ng Komiks
            Taong 1990 ng magsimulang humina at bumagsak ang komiks. Ang pagkahilig ng mga Pilipino sa Komiks ay napalitan ng mga Video Games, Karaoke, Text Messaging at iba pang mga Electronic Media na mapaglilibangan. Dahil dito ang mga gumagawa ng komiks ay bumaba ang kinkita. Magagaling ang mga Pilipino sa larangan ng sining lalo na sa komiks kaya’t kinuha o inalok sila ng mga Amerikano ng mas malalaking mapagkakakitaan sa Amerika. Dahil sa paglitaw ng iba’t ibang propesyon ang mga manlilikha ng komiks ay naagaw ng mga propesyong ito. Dahil dito nawala ang interes ng mga editor, publisher at iba pang manlilikha ng komiks kung kaya’t napunta sila sa ibang propesyon. Ayon kay Joe Lad Santos, kung unang pinilay ang source (manunulat / manlilikha) babagsak talaga ang isang laranangan na parang domino effect at hindi papatayin ng e-media ang komiks kung may mga manunulat pa. Publisidad pa itong maituturing sa larangan ng komiks ang maisa-tebisyon.

6 comments:

  1. TY, FOR THE INFO. THANKS A LOT AND MORE POWER.

    ReplyDelete
  2. thank you po sa mga ito dahil marami po akong nalaman at naibahagi sa babasahing ito at sana ay manumbalik ang komiks dito sa pilipinas dahil nalang ang nakikita nating ganito hindi na siya orihinal na kopya nito

    ReplyDelete
  3. Maraming salamat din! Kung may karagdagan kang impormasyon ay maaari mong idagdag dito ng sa gayon ay marami pang impormasyon ang mababasa ng mga susunod na maghahanap tungkol sa komiks!

    ReplyDelete
  4. Thank you po for the information marami akog natutunan😊

    ReplyDelete